Tuesday, August 23, 2011

Kabataan, May Magagawa Tayo!

"Ang kabataan ang pag-asa ng bayan." Lahat naman siguro tayo ay narinig o pamilyar na sa katagang ito. Madalas natin itong marinig mula sa mga nakatatanda, lalo na sa ating mga guro. Ito ang madalas na pangaral sa mga kabataang tulad ko, tulad nating mga mag-aaral.
Kung tayong mga kabataan ang itinuturing na pag-asa ng bayan ay ibig sabihin meron tayong mga tungkuling dapat gampanan. Ang unang pumasok marahil sa ating isip ay "Bata pa ako, paano ko gagampanan ang mga tungkulin na iyan?" Kabataan, hayaan mong ipaliwanag ko sa'yo ang aking nais sabihin.
Kaliwa't-kanan ang mga balita ay mga krimeng sangkot ang mga menor de-edad. Pambubugbog, pamamaslang at iba pa na hindi marahil maisip ng marami sa atin na magagawa ng kabataang ni hindi pa nga nakapagtatapos ng pag-aaral. Kamakailan ay nakapanood ako ng isang dokyumentaryo tungkol sa isang bayan kung saan halos lahat ng mga mag-aaral edad trese hanggang dese-siete ay may mga anak na. Sa kanilang murang edad ay namulat sila sa mga responsibilidad at tungkulin na hindi nila dapat pasan-pasan. Nang tanungin tungkol dito, nagulat ako sa sagot nila, "Ginusto at ginawa naman po namin eh." Nakalulungkot isiping walang bahid ng pagsisisi ang mga kabataang ito.
Siguro kayo ay naguguluhan at nagtatanong kung ano ang punto ko dito. Kabataan, gumising tayo! Tama na ang pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan! Tanggapin natin ang katotohanang meron tayong dapat gawin upang baguhin ang istilo ng pamumuhay natin! Nakita na natin ang mga masasamang epekto ng mga pagkakamaling nagawa ng mga nakatatanda, 'wag na sana nating tularan pa. Kung hindi kayang gumawa ng pagbabago ng ating mga pinuno, ay tayo ang siyang maging simula ng pagbabago. Ang mga maliliit at simpleng bagay tulad ng pag sunod sa mga batas ay isang mabuting halimbawa. Ang pag-aaral ng mabuti, maka-tulong sa pamilya at iba. Kabataan, mangarap tayo! Mangarap tayo para sa ating sarili, pamilya at sa ating bansa. Isipin din naman sana natin ang iba, huwag puro sarili. Tama na ang pagiging madamot at maka-sarili! Panahon na para sa pag-unlad at pagbabago! Patunayan nating hindi nagkamali si Dr. Jose Rizal sa pagsasabing tayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan. Hayaan nating sa atin magsimula ang inaasahan na pagbabago. Tayo sana ang maging daan sa mga pagbabagong inaasahan.
May iba sa atin na kahit mali ay ginagawa parin dahil "uso" o "in". Ito ay isa sa ating mga maling pananaw. Marami sa ating mga kabataan ang ginagaya kahit na ang mga maling gawain. Sa ganitong edad ay mayroon na tayong kaalaman tungkol sa kung ano ang tama at ang mali. Hindi naman tayo mangmang. Kung alam nating mali, kahit pa "uso", hindi natin gagayahin.
Kabataan, may magagawa tayo! Kakayanin natin ito kung gugustuhin. 'Wag nating hayaang maranasan pa ng mga susunod na henerasyon ang mga ganitong sistema ng wala man lang tayong ginagawa. Kung nais natin ng pagbabago, tayo ang dapat pagmulan ng pagbabagong ito. Mas madaling gayahin ang mga bagay na nakikita natin, hindi ba? Kaya mas maganda kung sa atin makikita ang mga pagbabagong nais natin makamtan. Kabataan, panahon na para tayo ay kumilos. Panahon na para tayo ay gumising. Kabataan, hindi dahil tayo ay bata pa ay wala na tayong magagawa. Hayaan nating marinig ang ating mga tinig. Ang mga munting tinig na ito sana ang maging daan sa mas maliwanag na kinabukasan. Huwag nating hayaang maging hadlang ang ating murang edad dahil wala ito sa kung gaano ka kabata o katanda, nasa kagustuhan natin ito. Maging inspirasyon pa nga sana tayo sa mga nakatatanda, na kahit sa murang edad ay nag hahangad tayo ng pagbabago at gumagawa tayo ng daan upang makamtan ito.
Kabataan, gumising ka! Sa mundong marikit ay halina!

Wednesday, September 8, 2010

“Why do I have to love my country?”

Minsan ay naiisip ko na wala na akong makita na pwedeng mahalin sa ating bansa. Marami tayong bagay na ikinahihiya. Ang kurakot na gobyerno, ang mga buwaya, mga lasing sa kapangyarihan at kayamanan. Andyan rin ang kahirapan, kung saan madaming tao ang apektado. Pati na ang mga taong gumagawa ng masama at krimen, headline din ba sa ibang bansa.

Natakpan na nito ang mga magagandang bagay na sana man lang, mas kuminang at nakuha ang atensyon natin. Dahil alam na rin ng buong mundo na kung anu-ano ang mga pinaggagagawa ng mga Pilipino, na hindi naman din maganda. Tiyak na mahihiya ka, sapagkat ang buong mundo ang nakakakita, ang pinaka malaking saksi sa mga kabulastugang nagawa ng ating mga kalahi. Ang ibang mga lahi, kung ganun nalang din ang tingin sa atin. Mga mamamatay tao, masasamang loob, at parang mga walang pinagaralan at binabato tayo ng mga lait.

Pero bakit kailangan ko pa rin mahalin ang aking bansa? Hindi lang sa dahil dito ako nagmula, kung saan ko unang binukas ang aking mga mata. Kailangan kong mahalin ang aking bansa para kahit sa gitna ng ating kalagayan, gagawin ko ang makakaya ko para makaahon ang aking bansa. Ibibigay ko ang serbisyo ko, at gagamitin ang pinagaralan ko para makatulong sa Pilipinas. Maraming Pilipino ang nalubog sa pagiisip kung gaano kapangit ang estado ng bansa, pero, may mararating ba kung parang sumuko na tayo? Ang pagmamahal sa bansa ang magtutulak sa ating pagandahin at gawin muli itong bago, kahit na gaano pa man tayo mawasak. Kapag minahal natin ang bansa natin, mayroon tayong magagawa para linisin ang pangalan natin sa harap ng buong mundo.

Tuesday, September 7, 2010

An Essay Of A Second Year High School Student

Why do I need to love my country?

Sa mga nangyayari, Massacre, Hostage Crisis, at marami pang iba, bumababa ang tingin natin sa mga sarili natin, sa bansa at kapwa. Nagagalit tayo sa mga kapwa natin dahil sa mga ginawa nila kaya bumababa ang tingin ng mga banyaga sa atin.

Kamakailan, may hostage crisis na naganap sa Quirino Grandstand. Marami sa atin ang nagalit, nalungkot at nakakalungkot man ay, ikinahiyang Pilipino sila. Ngunit tingin ba natin makatutulong ito? Ang ikahiya ang bansa natin, ang magalit sa lahat ng Pilipino, itong mga bagay ba na ito ay may maitutulong sa pag-ahong muli ng Pilipinas? Wala. Nangyari na ang lahat, marami na ang namatay. At kalianman walang maitutulong ang ikahiya na Pilipino ka.

Ilang taon lang ang nakaraan, mas mayaman ang Pilipinas sa bansang Korea. Ngunit bakit ngayon walang-wala na tayo sa kanila? Dahil ang mga Koreano, may pagmamahal sa kanilang bansa. Hindi tulad ng mga Pilipino na mas pinipili ang mag trabaho sa ibang bansa kesa gamitin lahat ng natutunan nila para tulungan ang kapwa Pilipino. Sa ilang taon ng pag-aaral ng isang tao, hindi ba’t nararapat lang na gamitin niya ang mag natutunan niya para tumulong sa mga kapos-palad na mamamayan ng kanyang bansa?

Ito ang bansang ibinigay ng Diyos sa atin. Gusto man natin o hindi, wala na tayong magagawa. Kesa sa panlalait dito, bakit hindi na lang tayo mag-isip ng paraan para mapabuti ang lagay ng bansa kahit sa pamamagitan ng mga maliliit at simpleng bagay? Kahit ano pa ang mangyari sa Pilipinas, nararapat natin itong mahalin sapagkat iyun ang nararapat. Kahit gaano pa karami ang kamaliang nakikita o napapansin natin sa bansa, hindi dapat ito maging dahilan upang kamuhian natin ang Pilipinas. Maging daan sana ito upang tayo ay magpursige na ipagpabuti ang kalagayan ng Pilipinas. Ang pagmamahal sa sariling bansa ang susi sa kaunlaran.

Nais ng lahat na dumating ang panahon kung saan taas-noo nating maipagmamalaking Pilipino tayo. Hindi man ito ngayon, ngunit dadating din ang panahong iyon pwera na lang kung patuloy tayong kukulangin sa pagmamahal para sa bansa. Ang mga bansang tulad ng Japan at South Korea, kaya umunlad ay dahil sa mga mamamayan nitong nagmamahal sa kanilang mga bansa. Kung kaya ng mga bansang ito na umunlad, makakayanan din natin. Kung gusto nating umunlad, kailangan nating matutunang mahalin at ipagmalaki ang Pilipinas.

Wednesday, May 19, 2010

Kailangan Bang Ipagmalaking Ako'y Isang Pinoy?

Eto ba ang pag-uugali ng isang Pinoy ang ipapakita natin sa buong mundo?
Pumapatay ng tao para lang mapa sakanya ang kapangyarihan.
Hindi ba natin kayang tumanggap ng pagkatalo?
At hindi din ba natin kayang tumanggap ng pagkapanalo sa TAMANG PARAAN?

Kung alam lang siguro ng ating mga yumaong bayani na ganito din pala ang mangyayari sa Pilipinas ay siguro mag-aalangan silang ibuwis ang mga buhay nila para sa kapayapaan at kalayaan ng bansang ito.

Nung isang buwan ay nagpunta ako sa isang banyagang bansa, isang umaga ay nagbabasa ako ng dyaryo.
Hindi ako natutuwang headline ang Pilipinas, dahil ang headline ay ang Maguindanao Massacre.
Ito ba ang ugali ng tunay ng Pilipino?
Akala ko ba ay mapagmahal, magalang at maka-Diyos ang mga Pilipino?
Bakit ganito?

Kung hindi ako nagkakamali, ang Pilipinas lamang ang kilalang Bansang Kristyano sa buong Asya.
Ito ba ang pag-uugali ng isang Kristyano?
Mahiya naman tayo, mahiya naman tayo sa Diyos at ginagamit pa natin ang pangalan niya ngunit pang demonyo din naman pala ang ating mga ugali.

13 years old pa lamang ako at hindi ko dapat pinoproblema ang mga bagay na to.
Sana ay nage-enjoy ako sa mga bagay na dapat ini-enjoy ng mga batang katulad ko.
Ngunit paano ako magwawalang kibo kung ang kinabukasan ko ay nasa kamay din ng Lider ng Pilipinas?

Gusto kong dumating ang araw na maitataas ko ang aking noo at masasabing AKO'Y ISANG PILIPINO.
Dadating ang araw na yun.
Sa panahong itinakda ng Diyos.

Wag naman sana nating hayaang dumating ang araw na lait-laitin na lamang tayo ng mga banyaga.

May mga panlalait na akong naririnig at nababalitaan ngunit ipinaglalaban ko na mali ang ganung klaseng pagtingin nila sa Pilipino..
Ngunit sa mga nangyayari, mukang nagkamali ako sa pag tatanggol sa mga Pilipino.

Hindi naman kulang ang ating pondo, sobra lamang sa kurapsyon.

Nung nagdaang Mayo 10, mapayapa ng maituturing ang nangyaring eleksyon kumpara sa ibang mga eleksyong nagdaan.
Ngunit, hindi ba't kaya naman talaga nating magkaroon ng MALINIS, MAPAYAPA at MATAPAT na eleksyon?
Kaya naman natin ngunit masyado lamang matakaw sa kapangyarihan ang ibang tao.

Kung ang tumatakbong kandidato para sa pagiging lider ay hindi kayang lumaban ng patas, ay hindi siya karapat-dapat maging lider.

At sa magiging bagong lider, sana naman po ay hindi lamang puro pangako at puro salita.
Sana naman po ay may pagbabago na sa Pilipinas, pagbabagong ika-uunlad at ika-bubuti ng bawat mamamayan.

Walang ibang makapagbabago ng buhay nating mga Pilipino kundi TAYO LAMANG.
Sa gabay at pangaral ng Diyos.


Sana ay mabasa ito ng bawat Pilipino at mapag-isipan.
Ako po ay isa lamang trese anyos na babaeng naglalabas ng saloobin.
Dahil marami pa po sa mga susunod na henerasyon ang makakaranas ng ganitong klaseng pamumuhay.
Hindi naman po siguro natin gusto na puro panlalait ang mga sinasabi ng ibang bansa.

Kung ilang taon na ang nakalipas ay mas mayaman pa tayo sa bansang Korea, hindi ba't napaka-gandang isiping maaabot ulit natin iyon?


Maraming salamat po sa pagbabasa at sana'y magbigay ng aral at inspirasyon sa inyo ang aking isinulat.

Atin po sanang muling maipagmalaki na tayo'y Pilipinong may takot sa
Diyos.