Tuesday, August 23, 2011

Kabataan, May Magagawa Tayo!

"Ang kabataan ang pag-asa ng bayan." Lahat naman siguro tayo ay narinig o pamilyar na sa katagang ito. Madalas natin itong marinig mula sa mga nakatatanda, lalo na sa ating mga guro. Ito ang madalas na pangaral sa mga kabataang tulad ko, tulad nating mga mag-aaral.
Kung tayong mga kabataan ang itinuturing na pag-asa ng bayan ay ibig sabihin meron tayong mga tungkuling dapat gampanan. Ang unang pumasok marahil sa ating isip ay "Bata pa ako, paano ko gagampanan ang mga tungkulin na iyan?" Kabataan, hayaan mong ipaliwanag ko sa'yo ang aking nais sabihin.
Kaliwa't-kanan ang mga balita ay mga krimeng sangkot ang mga menor de-edad. Pambubugbog, pamamaslang at iba pa na hindi marahil maisip ng marami sa atin na magagawa ng kabataang ni hindi pa nga nakapagtatapos ng pag-aaral. Kamakailan ay nakapanood ako ng isang dokyumentaryo tungkol sa isang bayan kung saan halos lahat ng mga mag-aaral edad trese hanggang dese-siete ay may mga anak na. Sa kanilang murang edad ay namulat sila sa mga responsibilidad at tungkulin na hindi nila dapat pasan-pasan. Nang tanungin tungkol dito, nagulat ako sa sagot nila, "Ginusto at ginawa naman po namin eh." Nakalulungkot isiping walang bahid ng pagsisisi ang mga kabataang ito.
Siguro kayo ay naguguluhan at nagtatanong kung ano ang punto ko dito. Kabataan, gumising tayo! Tama na ang pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan! Tanggapin natin ang katotohanang meron tayong dapat gawin upang baguhin ang istilo ng pamumuhay natin! Nakita na natin ang mga masasamang epekto ng mga pagkakamaling nagawa ng mga nakatatanda, 'wag na sana nating tularan pa. Kung hindi kayang gumawa ng pagbabago ng ating mga pinuno, ay tayo ang siyang maging simula ng pagbabago. Ang mga maliliit at simpleng bagay tulad ng pag sunod sa mga batas ay isang mabuting halimbawa. Ang pag-aaral ng mabuti, maka-tulong sa pamilya at iba. Kabataan, mangarap tayo! Mangarap tayo para sa ating sarili, pamilya at sa ating bansa. Isipin din naman sana natin ang iba, huwag puro sarili. Tama na ang pagiging madamot at maka-sarili! Panahon na para sa pag-unlad at pagbabago! Patunayan nating hindi nagkamali si Dr. Jose Rizal sa pagsasabing tayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan. Hayaan nating sa atin magsimula ang inaasahan na pagbabago. Tayo sana ang maging daan sa mga pagbabagong inaasahan.
May iba sa atin na kahit mali ay ginagawa parin dahil "uso" o "in". Ito ay isa sa ating mga maling pananaw. Marami sa ating mga kabataan ang ginagaya kahit na ang mga maling gawain. Sa ganitong edad ay mayroon na tayong kaalaman tungkol sa kung ano ang tama at ang mali. Hindi naman tayo mangmang. Kung alam nating mali, kahit pa "uso", hindi natin gagayahin.
Kabataan, may magagawa tayo! Kakayanin natin ito kung gugustuhin. 'Wag nating hayaang maranasan pa ng mga susunod na henerasyon ang mga ganitong sistema ng wala man lang tayong ginagawa. Kung nais natin ng pagbabago, tayo ang dapat pagmulan ng pagbabagong ito. Mas madaling gayahin ang mga bagay na nakikita natin, hindi ba? Kaya mas maganda kung sa atin makikita ang mga pagbabagong nais natin makamtan. Kabataan, panahon na para tayo ay kumilos. Panahon na para tayo ay gumising. Kabataan, hindi dahil tayo ay bata pa ay wala na tayong magagawa. Hayaan nating marinig ang ating mga tinig. Ang mga munting tinig na ito sana ang maging daan sa mas maliwanag na kinabukasan. Huwag nating hayaang maging hadlang ang ating murang edad dahil wala ito sa kung gaano ka kabata o katanda, nasa kagustuhan natin ito. Maging inspirasyon pa nga sana tayo sa mga nakatatanda, na kahit sa murang edad ay nag hahangad tayo ng pagbabago at gumagawa tayo ng daan upang makamtan ito.
Kabataan, gumising ka! Sa mundong marikit ay halina!

2 comments: